Kwento Tungkol sa Pagiging Masaya

Sabi ng quote ni Mother Theresa sa isang Papemelroti calendar para sa June 2019, "Be happy in the moment that's enough. Each moment is all we ever need. Not more.". Sa tingin ko, isa itong quote tungkol sa contentment sa buhay na masaya. At naisip ko lang na kahit sobrang simple ng word na happiness eh napakahirap din nitong ma-achieve.

Noong bata kasi ako at simple lang ang buhay, kahit maglaro lang sa kalye ng patintero o taguan ay sumasaya na ako at pati na rin yung mga kapwa bata ko din. Pagkatapos maglaro, halimbawa kasama mga pinsan o kapitbahay, dumadating yung oras na kailangan na tapusin yung laro dahil gabi na o kakain na o kaya naman kailangan na umuwi ng mga kalaro ko/namin. Hindi ko alam kung kailan nagsimula at ewan ko kung ako lang 'to, pero parang malungkot kapag natatapos yung laro o kapag may umaalis. Minsan pagagalitan ka pa kasi naging madungis ako, o kaya ang gulo ng bahay, basta laging may nagagalit, kung 'di si Nanay (tawag namin sa lola) ang nag-se-sermon ay si Mama naman ang mag tatatalak lalo na kung nataong wala syang pasok sa opisina. So, dahil nga doon sa mga pangyayari noong bata pa ako naisip ko na ayaw ko na sumaya kasi magiging malungkot lang din naman ang kasunod.

Parang unconsciously pinipigilan kong maging sobrang saya kasi nga sigurado pagkatapos ay may mangyayaring ikalulungkot ko. Doon na din siguro nagsimula yung pagtatago ng nararamdaman ko lalo na kung masaya kasi parang feeling ko lang ay may nag-mo-monitor ng happiness level ko at pag napasobra may biglang mag-su-switch ng mga pangyayari at magkakalat ng kalungkutan. Parang pinipili kong maging malungkot kasi ayaw kong lumungkot. Ha! Ha! Ha! Medyo magulo at nakakatawa nga kapag iisipin nang mabuti.

Siyempre noong medyo tumanda na ako mas naintindihan ko na parte talaga ng buhay ang ups and downs. At may sayang hindi nawawala sa'yo kung kuntento ka sa buhay mo.

Comments